Pagpapatupad ng Unified GCC Tourist Visa Ngayong 2025
Inilathala noong: June 9, 2025
Ayon kay Jassim Al-Budaiwi, Kalihim-Heneral ng Gulf Cooperation Council (GCC), inaasahang ilulunsad ang GCC Unified Visa bago matapos ang 2025.
Ipinahayag ni Al-Budaiwi ang mensaheng ito sa ika-146 na pulong ng Konseho ng mga Ministro na ginanap sa Kuwait noong Lunes, ika-2 ng Hunyo 2025. Pinamunuan ang pulong ng Ministrong Panlabas ng Kuwaiti at Tagapangulo ng kasalukuyang sesyon ng Konseho ng mga Ministro, Abdullah Al-Yahya. Dumalo rin sa pagpupulong ang mga delegasyon mula sa mga bansang kabilang ng GCC at mga kalihim ng ugnayang panlabas.
Sa gitna ng iba't ibang talakayan tungkol sa rehiyon, binigyang-diin ni Al-Budaiwi na may malaki nang pag-unlad sa teknikal na aspeto Unified GCC Visa, na kung saan gagamit ng iisang online portal para sa mga aplikasyon. Dagdag rin niya na inaasahang maaaprubahan ang visa bago matapos ang taong 2025.
Ang Pinag-isang Visa ng GCC, na kilala rin bilang GCC Tourist Visa, ay isang inaabangang inisyatibo na inaasahang magpapabago sa paraan ng paglalakbay sa rehiyon. Sa pagpapatupad nito, ang mga residente ng GCC at mga internasyonal na turista ay maaaring kumuha ng aplikasyon online para sa isang visa lamang na magbibigay-daan sa pagbisita sa lahat ng bansang kasapi ng GCC.
Ang bagong sistemang ito ng visa ay malaki ang maitutulong sa pagpapabuti ng mobilidad sa loob ng rehiyon at inaasahang magdadala ng malaking kita mula sa turismo sa anim na bansang kabilang sa GCC — ang Bahrain, Kuwait, Oman, Qatar, Saudi Arabia, at United Arab Emirates (UAE).
Nakaranas ng ilang pagkaantala ang United GCC Visa, kung saan nagsimula ang mga pag-uusap tungkol dito noon pang Oktubre 2023. Bagama’t ang orihinal na petsa ng paglulunsad ay itinakda noong Disyembre 2024, maaari na itong tuluyang mailunsad sa pagtatapos ng taong ito, ayon sa pinakabagong pahayag ni Jassim Al-Budaiwi.