Pinakabagong Balita sa Unified GCC Visa

Inilathala noong: November 26, 2024

Ang GCC Grand Tours Visa ay ang bagong visa na inaprubahan noong Nobyembre 2023 sa GCC summit sa Muscat, Oman. Ang visa na ito na mas kilala na “GCC Grand Tours” ay pinahihintulutan ang mga mamamayan mula sa labas ng Gulf na madaling makapaglibot sa lahat ng bansa sa GCC: Saudi Arabia, UAE, Bahrain, Oman, Kuwait, at Qatar.

Sa isang panayam sa Asharq News, inanunsyo ni Mohammed Al-Budaiwi, ang Pangkalahatang Kalihim ng GCC, na isasapinal ang unified tourist visa bago matapos ang taon. Dagdag pa niya, ang eksaktong petsa ng paglulunsad ay malalaman pa base sa magiging pinal na desisyon sa katapusan ng taon. Layunin ng unified tourist visa na hikayatin ang mas maraming turista na bisitahin at manatili nang matagal sa rehiyon upang makatulong sa pagpapalakas ng ekonomiya sa mga bansa sa GCC.

Sa isinagawang taunang pagpupulong ng International Monetary Fund (IMF) at World Bank Group (WBG), ipinaliwanag ni Al-Budaiwi sa isang panayam na ang bagong proyekto ay kinakailangang pagsamahin ang anim na kasalukuyang sistema upang makabuo ng iisang sistema para sa unified tourist visa. Dagdag pa niya na ang mga mamamayan sa labas ng Gulf na nais bumisita sa alinmang bansa sa GCC ay maaaring pumili alinman sa visa para sa isang partikular na bansa, o unified Gulf visa para naman sa lahat ng bansa sa GCC.

Sa nakaraang pahayag ni Abdullah bin Touq Al Marri, ang Ministro ng Ekonomiya ng UAE, sinabi niya na binabalak nilang pataasin ang gastusin ng mga turistang bibisita ng 8% kada taon sa pamamagitan ng bagong visa. Tinatarget nilang umabot ito sa US$188 billion pagsapit ng 2030.

Tinalakay din ni Al-Budaiwi ang proyekto na Gulf Railway na nakatakda namang matapos sa 2030. Pinaplanong magsisimula ang riles sa Kuwait at ikokonekta ito sa lahat ng anim na bansa sa GCC upang mas mapadali at mapaganda ang karanasan sa paglilibot ng mga residente at turista. Binigyang-diin ng Pangkalahatang Kalihim ang kahalagahan ng proyekto sa ekonomiya, at sinabi na ang ilang mga bansa ay nagsimula nang bumuo, habang ang iba naman ay nag-alok at nagbukas ng bidding para sa proyekto.